Saturday, March 17, 2012

Video Games - Nagiging marahas ba ang tao?

Nung bata pa ako, mahilig na ako sa video games. PS1 at Gameboy ang karaniwang mga nilalaro ko pag nasa bahay ako. Natatandaan ko pa na Resident Evil ang lagi kong nilalaro. Ano tong Resident Evil na to? Sa title pa lang medyo mukhang may kasamaan na. Ito ay dahil ang larong ito ay puno ng zombies, patayan, barilan, pugutan at duguan. Isa isang salita, brutal. Dahil pang mature lang ang game, nag alala ang mga magulang ko dahil nilalaro ko ito. Sabi nila pag tanda ko daw, magiging marahas daw ako at pwede daw akong makapatay. Totoobang nakakasama ang mga marahas na video games sa tao?

Alam naman ng mga game manufacturers kung masyado bang mature ang kontento ng video games. Kaya sila nag lalagay ng palatandaan na "E for Everyone" at tsaka "M for Mature" sa harapan ng video game box. Sa "M for Mature" na laro, mga 18 above lang ang pwedeng bumili nito. Kaya pag may laruan ang mga bata na ito, mananagot ang magulang. Pero sa aking opinyon, nasa tao din naman kung gagayahin nila ang mga nakikita nila sa video games na barilan at suntukan. May mga ibang manlalaro na parang war freak at manununtok o maging marahas at gagayahin si Leon sa Resident Evil na mahilig mampatay ng zombies, o meron din iba na pagkatapos maglaro ng mga ganyang klaseng laro, eh parang nanlalambot sila sa mga nakita nila.

Sa henerasyon ngayon, mas lalong pinapatindi ang mga larong pang matanda. Mas marahas, mas madaming dugo, mas brutal. Bakit? Dahil tinatarget nila ang mga binatang tao at mas pinapaganda ang gameplay experience ng manlalaro. Pero nagbabago ba ang rason kung mas nagiging brutal ang mga tao? Pwede din dahil gusto din silang makaranas ng excitement at pwedeng nilang idaan nito sa suntukan o kahit anong marahas na gawain.

Selos

Pag nakita mo ang crush mo na nakikipaglandian sa isang tao, ano kaya mararamdaman mo? Isang matinding bigat sa puso mo. Parang gusto mong manuntok ng tao o di kaya yung taong mismong nakikidikit sa crush mo. Ano ba to? Yan ang selos. Importante ba to sa buhay ng tao? Parang ang pangit kasi ng pakiramdam pag nagseselos ka. Pero senyales to na mahal mo nga o may pakialam ka sa isang tao. Paano kaya pag wala tayong nararamdamang selos? May kahulugan pa kaya ang pagmamahalan? Di na siguro.

 Sa totoo lang, sobrang seloso akong tao. Konting akbay lang o di kaya may makikipag usap lang sa crush ko, kukulo na ang aking dugo at gusto ko lang makipag suntukan sa lalaki. Pero, problema lang sakin ay di ko masyadong pinapakita. Minsan, dedma lang ako sa nakikita ko. Tinatago ko lang ang damdamin ko hanggang mag kumpol kumpol lahat ng galit ko sa dibdib ko. Pag magisa na lang ako, dun ko na binubuhos lahat ng galit ko. Susuntukin ko ang kama ko, sisigaw ng malakas. Parang baliw na pwedeng ilagay sa mental hospital.

Kamakailan lamang ito nangyari sakin. Di ko naman masasabi na gusto ko yung babae pero siguro di ko lang inaamin na gusto ko siya. Pag nandyan ang babae, masaya ako. Pag may kausap ng iba, iba na ang nararamdaman ko. Nung una, sabi ko lang sa isip ko na wala lang to at namimiss ko lang ang may kasama sa buhay. Subalit hindi to ang aking naging konklusyon. Sabi ko na siguro may gusto ako sa kanya. Ayaw ko naman sabihin sa kanya dahil may iba na siyang mahal at ayaw kong masira ang meron sila pero gusto ko lang na makasama siya habang buhay. Siguro hanggang dito ko na lang pwedeng ilahag ang aking dinadamdam.

Thursday, March 15, 2012

Matalik na Kaibigan

Sa buong buhay ko, madami akong naging kaibigan. Mapatanda o mas bata pa sa akin, di ko mabilang kung ilan ang mga naging malapit sa akin. Subalit, masasabi ko na pili lang ang mga matatalik kong kaibigan. Ano ba ang pagiging matalik na kaibigan para sa akin? Isa na dito ay pwedeng pagkatiwalaan sa kahit anong bagay. Pwede mong sabihin ang mga sikreto mo. Nandyan lang pag may problema ka. Yung tipikal na kaibigan pero ni-level up ng todo.

Grade 2 pa ako nung una kong nakilala ang aking unang matalik na kaibigan. Ang natatandaan ko lang kung paano ko siya nakilala ay dahil magkasundo kami ng class number sa klase. Grade 2 hanggang Grade 6 ko siya naging malapit na kaibigan. Sa mga taong yun, nasabi ko lahat ng mga sikreto ko sa kanya. Halos araw araw ako pumupunta sa bahay nila. Malapit na din ang mga pamilya niya sa pamilya ko. Minsan, iniisip ko na siya na lang ang kapatid ko. Sabi ko pa nga, magiging BFF o "Best friends forever" kami. Pero, nung high school na kami, pareho kami ng eskwelahan, subalit iba ang section niya. Ito ang simula ng aming huling relasyon bilang matalik na kaibigan. Parang bula na nawala ang pagiging close namin sa isa't isa. Mas nawala kami ng komunikasyon nung nag migrate na ako papuntang Amerika.

Bagong buhay, bagong kaibigan. Yan ang inisip ko nung nakarating ako sa Amerika. 2nd year high school nung dumating ako duon. Masasabi ko na may mga kaibigan din ako pero mas konti kay sa nung nandoon ako sa Pilipinas. Mahirap makisama sa mga taong laking Amerika o sinasabi naming "white-washed". Wala akong naging matalik na kaibigan nung high school. Puro "hang out buddies" o mga taong sinasamahan ko lang pag wala akong magawa, ang mga kasama ko. Sabi ko sa isip ko na sana matapos na ang high school at gusto ko nang umalis dito. Ito din ang dahilan kung bakit ayaw na ayaw kung ang high school.

Dumating ang kolehiyo at dito na nagbago ang buhay ko. Dito ko na nakilala ang masasabi kong pinaka matalik na kaibigan sa buong mundo. Parang mamamatay ako kung wala siya. Una ko siyang nakilala sa English class ko sa Ohlone College. Nung unang araw ng pasukan, sabi ng guro namin na makipagkilala sa katabi. Dito ko siya unang nakausap. Nung una, kala namin sa isa't isa na mga Fil-Am at di marunong mag Filipino. Nung lumipas ng ilang linggo, nagka-mabutihan kami at nalaman ko na Pilipino pala siya dahil mukha siyang Mexicano. Siya din kumbaga yung "bridge" sa pagkilala ko sa mga ibang kaibigan ko. Parang kung di ko siya nakilala, konti lang kaibigan ko kaya't sobrang nagpapasalamat ako sa kanya dahil nagbago ang buhay ko sa kanya. Sa sobrang close namin, lahat ng sikreto ko nasasabi ko sa kanya pati mga sobrang malalalim na sikreto ko, nasasabi ko rin. Pareho din sa kanya. Halos araw araw kami nagkakasama at text kami ng text. Sabi nga ng iba na "bromance" o dalawang lalaki na wala sekswal na relasyon pero sa sobrang malapit sa isa't isa para na silang mag boyfriend, pero wala lang sa amin yun. Nung nalaman niya na uuwi ako sa Pilipinas para tapusin ang kolehiyo ko, nalungkot siya pero di niya ito pinapakita at dinaan na lang ito sa pag bibiro. Nung araw ng flight ko, sumama siya sa airport para makapag paalam hanggang sa gate. Di ko siya makakalimutan.

Dito naman sa Pilipinas, di ko inisip na makaka fit in ako sa mga kaklase ko dahil nga sa age gap. 20 years old ako at 15-17 years old sila. Pero habang tumatagal ang panahon ko dito sa Pinas, nakaka-adjust ako sa mga kaklase ko at feeling ko na 17 ulit ako. Dahil dito, madami din ako naging kaibigan sa iba't ibang section ng Pre-Dentistry. Pero may naging malapit akong kaibigan dito. Medyo mas matanda siya sa akin kaya siguro siya lang naging ka close ko dito. Masasabi kong best friend ko siya, pero wala din papalit sa pinaka matalik kong kaibigan sa Amerika.

Sa buhay, masarap pag madami kang kasama, Mas masaya pag may isang tao na naiintindihan ka sa kahit anong aspeto ng buhay mo. Ito ang best friend. Nandyan palagi, may pakialam sayo, parang kapatid. Ito ang hinahanap ng kahit sino. Sabi nga nila, ang best friend, parang 4 leaf clover. Mahirap mahanap pero maswerte ka pag natagpuan mo siya.

Wednesday, March 14, 2012

Suntukan at Pasa

Nung bata pa ako, mahilig ako sa suntukan. Hindi yung klase na pala-away ako. Yung tipong magsusuntukan ka sa kaibigan mo kasi wala kang magawa. O di kaya makikipag-wrestling ako sa kuya ko dahil nangigigil ako sa kanya. Pagtapos ng away, bugbog sarado ako at madami akong pasa. Pero hindi ako nanghihinayang sa sarili ko na mahina ako dahil may pasa ako. Mas lalo akong nangigigil at mas nagiging brutal ako. Pag nakikita ko na may pasa ako, mas natutuwa pa ako. Pinapakita ko sa mga kaibigan ko na, "Hoy! May pasa ako! Nakipagsuntukan ako!" kahit hindi naman totoong away ang nangyari. Minsan, iniisip ko na, normal lang ba to o sobrang baliw lang ako.

Ang pasa ay parang blood clot o namumuuong dugo sa balat o kutis ng tao. Pag natamaan ito ng malakas na pwersa, matra-trauma ang katawan mo at magkakapasa ito. Pareho lang ang konsepto nito sa suntukan. Pag malakas ang suntok mo sa katawan, siguradong may pasa ka na. Masakit magkaroon ng pasa pero sa akin, mas nagbibigay to ng enerhiya sa akin. Tingin ng ibang kaibigan ko na sobrang baliw ko daw dahil nagpapasuntok ako sa mga kaibigan ko. Suntkan hanggang magka pasa sa mga braso ko. Alam ko nakakasama ito at nagagalit ang mga tao pag may pasa sila, subalit ako, nasisiyahan ako.

Isa daw akong masokista. Totoo. Nagbibigay kasiyahan sa aking sarili pag nakikita kong may pasa ako. Pero minsan, naiisip ko na sobra na ang nagagawa ng pasa sa akin. Minsan, nanghihina ako pagkatapos masuntok at iniisip ko na "Ang tanga ko. Bat pa ako nagpasuntok.", at iniiswasan ko magpasuntok ulit. Sabi din sakin ng iba na pag palagi daw ako nagkakapasa, mas lala pa ang kalsugan ko at pwede ko itong ikamatay. Subalit nawawala ang ganitong mentality ko at bumabalik ulit sa pagiging masokista ko. Alam ko na pwede tong maging life threatening pag paulit ulit ko itong ginagawa, pero patuloy ko pa tong gagawin. Siguro may oras na mauunawaan ko na mali ang ginagawa ko sa katawan ko. Siguro babawasan ko na din ang ganitong mentalidad pag medyo nakikita ko na nagiiba na ang kalusugan ko.

Monday, March 12, 2012

Dahan-dahan Lang

Pag amoy mo pa lang nito, ay kikiligin ka na. Medyo may pagkaiba ang amoy nito pero pag natikman mo to ikaw mapapasarap! Masarap kainin ito pag gamit mo ang bibig mo. Dahan dahan lang. Aray! Baka ikaw masaktan. Gusto ng tao gumamit ng stick pang kain. Pero ako? Sisipsipin ko lang at AHH!! Langhap sarap! Gaya ng sinabi ko, dahan dahan lang. Dahil sa sobrang pagsipsip mo, ito'y kakalat sa damit mo. Mahirap tong labhan dahil ang likidong ito'y nakakamantsa.

Karaniwan ay dilaw ang kulay nito, pero ang pinakamasarap ay ang kulay kayumanggi. Sa unang sipsip mo ay lasang maalat. Maalat na medyo malinamnam. Minsan, ilagay mo ang itlog mo at mas lalo pang sasarap. Isa, dalawa. Mas masarap pag mas madaming itlog. Wag lang sumobra at baka umapaw. Wag din ang maalat na itlog dahil mas aalat na ito. Ito'y hinahanap hanap ng mga Pilipino sa Amerika. Sigurado pag nakatikim mo ito, pinoy na pinoy ka.

Wag natin kalimutan na sa likidong ito, tila may buhok na pagkakulot-kulot na lumalangoy sa likidong ito. Syempre, masarap kainin ito pero isang babala. Wag lang magbuhol buhol ito at baka masuka ka. Ito ang palaging ka-partner ko sa umaga kasama ng hotdog at itlog ko. Pag kumakain ako nito, umiinit ang katawan ko na parang sasabog ako. Iniisip ko na lalabasan ako...ng sipon dahil dito. Pag pinapakain ko ito sa mga kaibigan ko napapasigaw sila ng, "Lucky Me!" Ito ang beef noodles.